Job 42
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,

2Nalalaman ko na magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang akala na mapipigil.

3Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman? Kaya't aking sinambit na hindi ko nauunawa, mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman.

4Dinggin mo, isinasamo ko sa iyo, at ako'y magsasalita; ako'y magtatanong sa iyo, at magpahayag ka sa akin.

5Narinig kita sa pakikinig ng pakinig; nguni't ngayo'y nakikita ka ng aking mata,

6Kaya't ako'y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.

7At nangyari, na pagkatapos na masalita ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Eliphaz na Temanita, Ang aking poot ay nagaalab laban sa iyo, at laban sa iyong dalawang kaibigan: sapagka't hindi kayo nangagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job. 8Kaya't magsikuha kayo sa inyo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at magsiparoon kayo sa aking lingkod na kay Job, at ihandog ninyo sa ganang inyo na pinakahandog na susunugin: at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job: sapagka't siya'y aking tatanggapin, baka kayo'y aking gawan ng ayon sa inyong kamangmangan; sapagka't hindi kayo nangagsasalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng aking lingkod na si Job. 9Sa gayo'y nagsiyaon si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon: at nilingap ng Panginoon si Job.

10At inalis ng Panginoon ang pagkabihag ni Job, nang kaniyang idalangin ang kaniyang mga kaibigan; at binigyan ng Panginoon si Job na makalawa ang higit ng dami kay sa tinatangkilik niya ng dati. 11Nang magkagayo'y nagsiparoon sa kaniya ang lahat niyang mga kapatid na lalake at babae, at lahat na naging kakilala niya ng una, at nagsikain ng tinapay na kasalo niya sa kaniyang bahay; at nakipagdamdam sa kaniya, at inaliw siya tungkol sa lahat na kasamaan na pinasapit sa kaniya ng Panginoon: bawa't tao nama'y nagbigay sa kaniya ng isang putol na salapi, at bawa't isa'y ng isang singsing na ginto. 12Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon, ang huling wakas ni Job na higit kay sa kaniyang pasimula: at siya'y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae. 13Siya nama'y nagkaroon din ng pitong anak na lalake at tatlong anak na babae. 14At tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima; at ang pangalan ng ikalawa, Cesiah, at ang pangalan ng ikatlo, Keren-hapuch. 15At sa buong lupain ay walang mga babaing masumpungan na totoong maganda na gaya ng mga anak na babae ni Job: at binigyan sila ng kanilang ama ng mana sa kasamahan ng kanilang mga kapatid. 16At pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isang daan at apat na pung taon, at nakita niya ang kaniyang mga anak, at ang mga anak ng kaniyang mga anak, hanggang sa apat na saling lahi. 17Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Job 41
Top of Page
Top of Page