Tagalog: Ang Dating Biblia 1Ang mga saserdote na mga Levita, ang buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel; sila'y kakain ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ng kaniyang mana.
2At sila'y hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang Panginoon ang kanilang mana, gaya ng sinalita niya sa kanila. 3At ito ang magiging karampatan ng mga saserdote sa bayan, sa kanila na naghahandog ng hain, maging baka o tupa, na kanilang ibibigay sa saserdote ang balikat, at ang dalawang pisngi, at ang sikmura. 4Ang mga unang bunga ng iyong trigo, ng iyong alak, at ng iyong langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa, ay ibibigay mo sa kaniya. 5Sapagka't pinili siya ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong mga lipi, upang tumayong mangasiwa sa pangalan ng Panginoon, siya at ang kaniyang mga anak magpakailan man. 6At kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga pintuang-daan ng buong Israel na kaniyang pinakikipamayanan at pumaroon ng buong nasa ng kaniyang kaluluwa sa dakong pipiliin ng Panginoon; 7Ay mangangasiwa nga siya sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kaniyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo roon sa harap ng Panginoon. 8Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakanin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kaniyang ama. 9Pagpasok mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag kang magaaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal ng mga bansang yaon. 10Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway, 11O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay. 12Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo. 13Ikaw ay magpapakasakdal sa Panginoon mong Dios. 14Sapagka't ang mga bansang ito, na iyong aariin, ay nakikinig sa kanila na nagmamasid ng mga pamahiin, at sa mga manghuhula: nguni't tungkol sa iyo, ay hindi pumayag ang Panginoon mong Dios na gawin mo. 15Palilitawin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang isang propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa kaniya kayo makikinig; 16Ayon sa lahat ng iyong ninasa sa Panginoon mong Dios sa Horeb, sa araw ng kapulungan, na sinasabi, Huwag mong iparinig uli sa akin ang tinig ng Panginoon kong Dios, ni ipakita pa sa akin itong dakilang apoy, upang huwag akong mamatay. 17At sinabi ng Panginoon sa akin, Mabuti ang kanilang pagkasabi ng kanilang salitain. 18Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya. 19At mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking sisiyasatin yaon sa kaniya. 20Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon. 21At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon? 22Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |