Exodus 11
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At sinabi ng Panginoon kay Moises, May isang salot pa akong dadalhin kay Faraon at sa Egipto; pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niyang kayo'y umalis dito: pagpapahintulot niya sa inyong yumaon, ay tunay na kayo'y samasamang palalayasin niya rito. 2Magsalita ka ngayon sa pakinig ng bayan, at humingi ang bawa't lalake sa kaniyang kapuwa, at bawa't babae sa kaniyang kapuwa, ng mga hiyas na pilak, at ng mga hiyas na ginto. 3At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan, sa paningin ng mga Egipcio. Saka si Moises ay lalaking naging dakila sa lupain ng Egipto, sa paningin ng mga lingkod ni Faraon, at sa paningin ng bayan.

4At sinabi ni Moises, Ganito ang sinasabi ng Panginoon, Sa may hating gabi ay lalabas ako sa gitna ng Egipto: 5At lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto ay mamamatay, mula sa panganay ni Faraon, na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan; at ang lahat ng mga panganay sa mga hayop. 6At magkakaroon ng malakas na hiyawan sa buong lupain ng Egipto, na hindi nagkaroon ng kaparis, at hindi na magkakaroon pa ng kaparis. 7Datapuwa't sa lahat ng anak ng Israel mula sa tao hanggang sa hayop, ay walang maggagalaw kahit isang aso ng kaniyang dila laban sa tao o sa hayop: upang inyong makilala kung paano ang pagkakalagay ng pagkakaiba ng Panginoon sa mga Egipcio at sa Israel. 8At bababain ako nitong lahat na iyong lingkod, at magsisiyukod sa akin, na magsasabi, Umalis ka, at ang buong bayan na sumusunod sa iyo: at pagkatapos niyaon ay aalis ako. At siya'y umalis sa harap ni Faraon na may maalab na galit.

9At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hindi kayo didinggin ni Faraon: upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Egipto. 10At ginawa ni Moises at ni Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ni Faraon: at pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel ay umalis sa kaniyang lupain.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Exodus 10
Top of Page
Top of Page