Ezekiel 39
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At ikaw, anak ng tao, manghula ka laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Gog, na prinsipe sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal: 2At aking ipipihit ka sa palibot, at ihahatid kita, at pasasampahin kita mula sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel; 3At aking sisirain ang iyong busog sa iyong kaliwa, at aking ihuhulog ang iyong pana sa iyong kanan. 4Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo: aking ibibigay ka sa mga mangdadagit na ibong sarisari, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka. 5Ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang: sapagka't aking sinalita, sabi ng Panginoong Dios. 6At ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa kanilang nagsisitahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

7At ang aking banal na pangalan ay ipakikilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko man titiising malapastangan pa ang aking banal na pangalan: at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang banal sa Israel. 8Narito, dumarating, at mangyayari, sabi ng Panginoong Dios; ito ang araw na aking sinalita.

9At silang nagsisitahan sa mga bayan ng Israel ay magsisilabas, at sisilaban ng mga apoy ang mga almas, at susunugin ang mga kalasag at gayon din ang mga longki, ang mga busog at ang mga pana, at ang mga tungkod, at ang mga sibat, at mga sisilaban nilang pitong taon; 10Na anopa't sila'y hindi magsisikuha ng kahoy sa parang, o magsisiputol man ng anoman sa mga gubat; sapagka't kanilang sisilaban ang mga almas; at kanilang sasamsaman yaong nagsisamsam sa kanila, at nanakawan yaong nangagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Dios.

11At mangyayari sa araw na yaon, na ako'y magbibigay kay Gog ng dakong pinakalibangan sa Israel, ang libis nila na nagsisidaang patungo sa silanganan ng dagat: at paglilikatan nilang daanan; at doon nila ililibing si Gog at ang buo niyang karamihan; at kanilang tatawagin ito: Ang libis ng Hamon-gog. 12At pitong buwan na mangaglilibing ang sangbahayan ni Israel, upang kanilang linisin ang lupain. 13Oo, sila'y mangaglilibing ng buong bayan ng lupain; at magiging sa kanila'y kabantugan, sa araw na ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoong Dios. 14At sila'y mangaghahalal ng mga lalaking magkakatungkulang palagi, na mangagdaraan sa lupain at, kasama nilang nangagdaraan, silang nangaglilibing ng nalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin: pagkatapos ng pitong buwan ay mangagsisihanap sila. 15At silang nangagdaraan sa lupain ay mangagdaraan; at pagka ang sinoman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan nga niya ng tanda, hanggang sa mailibing ng mga manglilibing sa libis ng Hamon-gog. 16At Hamonah ang magiging pangalan ng bayan. Ganito nila lilinisin ang lupain.

17At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Salitain mo sa sarisaring ibon, at sa lahat na hayop sa parang, Magpupulong kayo, at kayo'y magsiparito; magpipisan kayo sa lahat ng dako sa aking hain na aking inihahain sa inyo, sa malaking hain sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, upang kayo'y mangakakain ng laman at mangakainom ng dugo. 18Kayo'y magsisikain ng laman ng makapangyarihan, at magsisiinom ng dugo ng mga prinsipe sa lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, at ng mga kambing, ng mga toro, na pawang patabain sa Basan. 19At kayo'y magsisikain ng taba hanggang sa kayo'y mangabusog, at magsisiinom ng dugo hanggang sa kayo'y mangalango, sa aking hain na aking inihain sa inyo. 20At kayo'y mangabubusog sa aking dulang ng mga kabayo at mga karo, ng mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na lalaking mangdidigma, sabi ng Panginoong Dios.

21At aking pararatingin ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na aking binuhat sa kanila. 22Sa gayo'y malalaman ng sangbahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Dios, mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. 23At malalaman ng mga bansa na ang sangbahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan; sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa akin, at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila: sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak. 24Ayon sa kanilang karumihan at ayon sa kanilang mga pagsalangsang ay gumawa ako sa kanila; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.

25Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ngayo'y aking ibabalik ang Jacob na mula sa pagkabihag, at maaawa ako sa buong sangbahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan. 26At sila'y mangagtataglay ng kanilang kahihiyan, at ng kanilang lahat na pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa akin, pagka sila'y magsisitahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila; 27Pagka sila'y aking nadala uli na mula sa mga bayan, at nangapisan na mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at ako'y inaaring banal sa kanila sa paningin ng maraming bansa. 28At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios, sa pagpapapasok ko sa kanila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at sa pagpipisan ko sa kanila sa kanilang sariling lupain; at hindi ako magiiwan sa kanila ng sino pa man doon; 29Ni hindi ko na naman ikukubli pa ang aking mukha sa kanila; sapagka't binuhusan ko ng aking Espiritu ang sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Ezekiel 38
Top of Page
Top of Page