Pahayag 8
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At nang buksan niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras. 2At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila'y binigyan ng pitong pakakak.

3At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan. 4At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios. 5At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan; at pinuno niya ng apoy ng dambana, at itinapon sa lupa: at nagkaroon ng mga kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol.

6At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip.

7At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa: at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.

8At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat: at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo; 9At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay; at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat.

10At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig; 11At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo: at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo; at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka't mapait ang tubig.

12At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin; upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi.

13At nakita ko, at narinig ko ang isang anghel, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Revelation 7
Top of Page
Top of Page