Isaiah 19
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Ang hula tungkol sa Egipto. Narito, ang Panginoon ay nakasakay sa isang matuling alapaap, at napasasa Egipto: at ang mga diosdiosan ng Egipto ay makikilos sa kaniyang harapan, at ang puso ng Egipto ay manglulumo sa gitna niyaon.

2At aking hihikayatin ang mga Egipcio laban sa mga Egipcio: at lalaban bawa't isa sa kanikaniyang kapatid, at bawa't isa laban sa kaniyang kapuwa; bayan laban sa bayan, at kaharian laban sa kaharian.

3At ang diwa ng Egipto ay mauupos sa gitna niyaon; at aking sisirain ang payo niyaon: at sasangguni sila sa mga diosdiosan, at sa mga enkantador, at sa mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula.

4At aking ibibigay ang mga Egipcio sa kamay ng mabagsik na panginoon; at mabangis na hari ay magpupuno sa kanila, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

5At magkukulang ng tubig sa mga dagat, at ang ilog ay mawawalan ng tubig at matutuyo.

6At ang mga ilog ay babaho; ang mga batis ng Egipto ay huhupa at matutuyo: ang mga tambo at mga talahib ay mangatutuyo.

7Ang mga parang sa pangpang ng Nilo, sa baybayin ng Nilo, at lahat na nahasik sa tabi ng Nilo, mangatutuyo, mangatatangay, at mangawawala.

8Ang mga mangingisda naman ay magsisitaghoy, at lahat ng nangaglalawit ng bingwit sa Nilo ay tatangis, at silang nangaglaladlad ng mga lambat sa mga tubig ay manganglalata.

9Bukod dito'y silang nagsisigawa sa mga lino, at silang nagsisihabi ng puting damit ay mangapapahiya.

10At ang kaniyang mga haligi ay magkakaputolputol, silang lahat na nangagpapaupa ay nangagdadalamhati ang kalooban.

11Ang mga pangulo sa Zoan ay lubos na mangmang; ang payo ng mga pinakapantas at kasangguni ni Faraon ay naging tampalasan: paanong masasabi ninyo kay Faraon, Ako'y anak ng pantas, anak ng mga dating hari?

12Saan nangaroon nga ang iyong mga pantas? at sasabihin nila sa iyo ngayon; at alamin nila kung ano ang pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa Egipto.

13Ang mga pangulo sa Zoan ay naging mga mangmang, ang mga pangulo sa Nof ay nangadaya; kanilang iniligaw ang Egipto, na siyang panulok na bato ng kaniyang mga lipi.

14Naghalo ang Panginoon ng diwa ng kasuwailan sa gitna niya: at iniligaw nila ang Egipto sa bawa't gawa niya, na parang langong tao na nahahapay sa kaniyang suka.

15Hindi na magkakaroon man sa Egipto ng anomang gawain, na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo.

16Sa araw na yaon ay magiging parang mga babae ang Egipto: at manginginig at matatakot dahil sa bala ng kamay ng Panginoon ng mga hukbo, na kaniyang ibinabala. 17At ang lupain ng Juda ay magiging kakilabutan sa Egipto; sa kanino man mabanggit yaon ay matatakot, dahil sa panukala ng Panginoon ng mga hukbo, na ipinanukala laban doon.

18Sa araw na yaon ay magkakaroon ng limang bayan sa lupain ng Egipto, na mangagsasalita ng wika ng Canaan, at magsisisumpa sa Panginoon ng mga hukbo; isa'y tatawagin: Ang bayang giba.

19Sa araw na yaon ay magkakaroon ng isang dambana sa Panginoon sa gitna ng lupain ng Egipto, at isang haligi sa hangganan niyaon sa Panginoon. 20At magiging pinakatanda at pinakasaksi sa Panginoon ng mga hukbo sa lupain ng Egipto: sapagka't sila'y magsisidaing sa Panginoon dahil sa mga mamimighati, at magsusugo siya sa kanila ng isang tagapagligtas, at isang tagapagsanggalang, at kaniyang ililigtas sila. 21At ang Panginoon ay makikilala sa Egipto, at makikilala ng mga Egipcio ang Panginoon sa araw na yaon; oo, sila'y magsisisamba na may hain at alay, at magsisipanata ng panata sa Panginoon, at tutuparin. 22At sasaktan ng Panginoon ang Egipto, na nananakit at magpapagaling; at sila'y manunumbalik sa Panginoon, at siya'y madadalanginan nila, at pagagalingin niya sila.

23Sa araw na yaon ay magkakaroon ng lansangan mula sa Egipto hanggang sa Asiria, at ang mga taga Asiria ay magsisipasok sa Egipto, at ang mga Egipcio ay sa Asiria, at ang mga Egipcio ay magsisisambang kasama ng mga taga Asiria.

24Sa araw na yao'y magiging pangatlo ang Israel sa Egipto at sa Asiria, na pagpapala sa gitna ng lupain: 25Sapagka't pinagpala sila ng Panginoon ng mga hukbo, na sinasabi, Pagpalain ang bayan kong Egipto, at ang Asiria na gawa ng aking mga kamay, at ang Israel na aking mana.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Isaiah 18
Top of Page
Top of Page