Isaiah 45
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan;

2Ako'y magpapauna sa iyo, at, papatagin ko ang mga bakobakong dako: aking pagwawaraywarayin ang mga pintuang tanso, at aking puputulin ang mga halang na bakal:

3At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman, at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon na tumatawag sa iyo sa inyong pangalan, sa makatuwid baga'y ang Dios ng Israel.

4Dahil sa Jacob na aking lingkod, at sa Israel na aking pinili tinawag kita sa iyong pangalan: aking pinamagatan ka, bagaman hindi mo nakilala ako.

5Ako ang Panginoon, at walang iba; liban sa akin ay walang Dios. Aking bibigkisan ka, bagaman hindi mo ako nakilala.

6Upang kanilang maalaman mula sa sikatan ng araw, at mula sa kalunuran, na walang iba liban sa akin: ako ang Panginoon, at walang iba.

7Aking inilalagay ang liwanag, at nililikha ko ang kadiliman; ako'y gumagawa ng kapayapaan, at lumilikha ako ng kasamaan; ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat na bagay na ito.

8Maghulog, oh kayong mga langit mula sa itaas, at ang alapaap ay pumatak ng katuwiran: bumuka ang lupa, upang maglabas siya ng kaligtasan, at ang katuwiran ay lumabas na kasama niyaon; akong Panginoon ang lumikha.

9Sa aba niya, na nakikipagpunyagi sa May-lalang sa kaniya! isang bibinga sa gitna ng mga bibinga sa lupa! Magsasabi baga ang putik sa nagbibigay anyo sa kaniya, Anong ginagawa mo? o ang iyong gawa, Siya'y walang mga kamay?

10Sa aba niya na nagsasabi sa ama, Ano ang naging anak mo? o sa babae, Ano ang ipinagdamdam mo?

11Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Banal ng Israel, at ng May-lalang sa kaniya, Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na darating; tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay, magutos kayo sa akin.

12Aking ginawa ang lupa, at nilalang ko ang tao rito: ako, sa makatuwid baga'y ang aking mga kamay, nagladlad ng langit, at sa lahat ng natatanaw roon ay nagutos ako.

13Aking ibinangon siya sa katuwiran, at aking tutuwirin ang lahat niyang lakad; kaniyang itatayo ang aking bayan, at kaniyang palalayain ang aking mga natapon, hindi sa halaga o sa kagantihan man, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

14Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang yari ng Egipto, at ang kalakal ng Etiopia, at ang mga Sabeo, sa mga taong matatangkad, ay magsisiparito sa iyo, at sila'y magiging iyo; sila'y magsisisunod sa iyo, sila'y magsisidaang may tanikala; at sila'y mangagpapatirapa sa iyo, sila'y magsisipamanhik sa iyo, na mangagsasabi, Tunay na ang Dios ay nasa iyo; at walang ibang Dios.

15Katotohanang ikaw ay Dios na nagkukubli, Oh Dios ng Israel, na Tagapagligtas.

16Sila'y mangapapahiya, oo, mangalilito silang lahat; sila'y magsisipasok sa pagkalito na magkakasama na mga manggagawa ng mga diosdiosan.

17Nguni't ang Israel ay ililigtas ng Panginoon ng walang hanggang kaligtasan: kayo'y hindi mangapapahiya o mangalilito man magpakailan man.

18Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon na lumikha ng langit, na siyang Dios na nag-anyo sa lupa at gumawa niyaon, na kaniyang itinatag, at hindi niya nilikha na sira, na kaniyang inanyuan upang tahanan: ako ang Panginoon; at wala nang iba.

19Ako'y hindi nagsalita ng lihim, sa dako ng lupain ng kadiliman; hindi ako nagsabi sa lahi ni Jacob, Hanapin ninyo ako ng walang kabuluhan: akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran, ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.

20Kayo'y mangagpipisan at magsiparito; magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakatanan sa mga bansa: sila'y walang kaalaman na nangagdadala ng kahoy ng kanilang larawang inanyuan, at nagsisidalangin sa dios na hindi makapagliligtas.

21Kayo'y mangagpahayag, at mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong nagpakilala nito mula nang mga unang panahon? sinong nagpahayag niyaon nang una? hindi baga ang Panginoon? at walang Dios liban sa akin: isang ganap na Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.

22Kayo'y magsitingin sa akin, at kayo'y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin.

23Ako'y sumumpa ng aking sarili, ang salita ay nakabitaw sa aking bibig sa katuwiran, at hindi babalik, na sa akin ay luluhod ang bawa't tuhod, bawa't dila ay susumpa.

24Sa Panginoon lamang, sasabihin ng isa tungkol sa akin, ang katuwiran at kalakasan: sa makatuwid baga'y sa kaniya magsisiparoon ang mga tao, at ang lahat na nagiinit laban sa kaniya ay mangapapahiya.

25Sa Panginoon ay aariing ganap ang buong lahi ng Israel, at luluwalhati.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Isaiah 44
Top of Page
Top of Page