Joel 2
Tagalog: Ang Dating Biblia
1Hipan ninyo ang pakakak sa Sion, at mangagpatunog kayo ng hudyat sa aking banal na bundok; manginig ang lahat na mananahan sa lupain: sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, sapagka't malapit na;

2Araw ng kadiliman at ng pagkukulimlim, araw ng mga ulap at ng pagsasalimuot ng dilim, gaya ng liwayway na namumukadkad sa mga bundok; isang malaking bayan at matibay; hindi nagkaroon kailan man ng gaya niyaon, ni magkakaroon pa man pagkatapos ng mga yaon, hanggang sa mga taon ng maraming sali't saling lahi.

3Isang apoy ang sumusupok sa harap nila; at sa likuran nila'y isang liyab ang sumusunog: ang lupain ay parang halamanan sa Eden sa harap nila, at sa likuran nila'y isang sirang ilang; oo, at walang nakatanan sa kanila.

4Ang anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo; at kung paano ang mga mangangabayo, gayon sila nagsisitakbo.

5Parang ingay ng mga karo sa mga taluktok ng mga bundok nagsisilukso sila, parang hugong ng liyab ng apoy na sumusupok sa dayami, parang isang matibay na bayan na humahanay sa pagbabaka.

6Sa kanilang harapan ay nangahihirapan ang mga bayan; lahat ng mukha ay nangamumutla.

7Sila'y nagsisitakbong parang mga malakas na lalake; sila'y nagsisipagalambitin sa kuta na parang mga lalaking mangdidigma; at sila'y nagsisilakad bawa't isa ng kanikaniyang mga lakad, at hindi nila binabago ang kanilang mga hanay.

8Ni nagtutulakan mang isa'y isa; sila'y lumalakad bawa't isa sa kanikaniyang landas; at sila'y magsisisagupa sa mga almas, at hindi sila malalansag.

9Kanilang nilulukso ang bayan; kanilang tinatakbo ang kuta; kanilang pinagaalambitinan ang mga bahay; sila'y nagsisipasok sa mga dungawan na parang magnanakaw.

10Ang lupa ay nayayanig sa harap nila; ang langit ay nanginginig; ang araw at ang buwan ay nagdidilim at itinitigil ng mga bituin ang kanilang kislap:

11At pinatutunog ng Panginoon ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang hukbo; sapagka't ang kaniyang kampamento ay totoong malaki; sapagka't malakas na nagsasagawa ng kaniyang salita; sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dakila at totoong kakilakilabot; at sinong makatatahan?

12Gayon ma'y ngayon, sabi ng Panginoon, magsipanumbalik kayo sa akin ng inyong buong puso, na may pagaayuno, at may pananangis, at may pananambitan:

13At papagdalamhatiin ninyo ang inyong puso, at hindi ang mga damit ang inyong hapakin, at kayo'y magsipanumbalik sa Panginoon ninyong Dios; sapagka't siya'y maawain at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi siya sa kasamaan.

14Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at magsisisi, at magiiwan ng isang pagpapala sa likuran niya, ng handog na harina, at ng inuming handog sa Panginoon ninyong Dios?

15Hipan ninyo ang pakakak sa Sion: magsipangilin kayo ng isang ayuno, magsitawag kayo ng isang takdang kapulungan;

16Tipunin ninyo ang bayan, banalin ang kapisanan, pisanin ang mga matanda, tipunin ang mga bata, at yaong mga pasusuhin; lumabas ang bagong kasal na lalake sa kaniyang silid, at ang bagong kasal na babae sa kaniyang silid.

17Manangis ang mga saserdote, ang mga tagapangasiwa ng Panginoon, sa pagitan ng portiko at ng dambana, at kanilang sabihin, Maawa ka sa iyong bayan, Oh Panginoon, at huwag mong ibigay ang iyong bayan sa kakutyaan, na ang mga bansa baga'y magpuno sa kanila: bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan, Saan nandoon ang kanilang Dios?

18Noong ang Panginoon ay naging masikap sa kanilang lupain, at nahabag sa kaniyang bayan.

19At ang Panginoon ay sumagot, at nagsabi sa kaniyang bayan, Narito, ako'y magdadala sa inyo ng trigo, at alak, at langis, at inyong kabubusugan; at hindi ko na gagawin pa kayo na kakutyaan sa gitna ng mga bansa;

20Kundi aking ihihiwalay na malayo sa inyo ang hukbo sa hilagaan, at aking itataboy siya sa isang lupaing basal at sira, ang kaniyang unaha'y sa dagat silanganan, at ang kaniyang pinakahuling bahagi ay sa dagat kanluran; at ang kaniyang baho ay aalingasaw, at ang masamang amoy ay iilanglang, sapagka't siya'y gumawa ng mga malaking bagay.

21Huwag kang matakot, Oh lupain, ikaw ay matuwa at magalak; sapagka't ang Panginoon ay gumawa ng dakilang mga bagay.

22Huwag kayong mangatakot, kayong mga hayop sa parang; sapagka't ang mga pastulan sa ilang ay lumalago, sapagka't ang punong kahoy ay nagbubunga, ang puno ng higos at ang puno ng ubas ay nagbubunga.

23Kayo nga'y mangatuwa, kayong mga anak ng Sion, at mangagalak sa Panginoon ninyong Dios; sapagka't kaniyang ibinibigay sa inyo ang maagang ulan sa tapat na sukat, at kaniyang pinalalagpak ang ulan dahil sa inyo, ang maagang ulan at ang huling ulan, sa unang buwan.

24At ang mga lapag ay mangapupuno ng trigo, at ang mga kamalig ay aapawan ng alak at langis.

25At aking isasauli sa inyo ang mga taon na kinain ng balang, ng uod, at ng kuliglig, at ng tipaklong na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo sa gitna ninyo.

26At kayo'y magsisikaing sagana, at mangabubusog, at inyong pupurihin ang pangalan ng Panginoon ninyong Dios, na gumawa ng kababalaghan sa inyo; at ang aking bayan ay hindi mapapahiya kailan man.

27At inyong malalaman na ako'y nasa gitna ng Israel, at ako ang Panginoon ninyong Dios, at wala nang iba; at ang aking bayan ay hindi mapapahiya magpakailan man.

28At mangyayari pagkatapos, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, ang inyong mga matanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip, ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain:

29At sa mga lingkod na lalake at babae naman ay ibubuhos ko sa mga araw na yaon ang aking Espiritu.

30At ako'y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo, at apoy, at mga haliging usok.

31Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.

32At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagka't sa bundok ng Sion at sa Jerusalem doroon yaong nangakatanan, gaya ng sinabi ng Panginoon, at sa nangalabi ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Joel 1
Top of Page
Top of Page