2 Samuel 16
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At nang si David ay makaraan sa dako pa noon ng kaunti ng taluktok ng bundok, narito, si Siba na lingkod ni Mephiboseth ay sumalubong sa kaniya, na may handang isang tuwang na asno, at sa ibabaw ng mga yaon ay dalawang daang tinapay, at isang daang kumpol na pasas, at isang daang bunga sa taginit, at isang sisidlang balat ng alak. 2At sinabi ng hari kay Siba, Ano ang iyong ibig sabihin sa mga ito? At sinabi ni Siba, Ang mga asno ay upang sakyan ng sangbahayan ng hari; at ang tinapay at ang bunga sa taginit ay upang mangakain ng mga binata; at ang alak ay upang mainom ng nangapapagod sa ilang. 3At sinabi ng hari, At nasaan ang anak ng iyong panginoon? At sinabi ni Siba sa hari, Narito, siya'y tumatahan sa Jerusalem; sapagka't kaniyang sinabi, Ngayo'y ibabalik sa akin ang sangbahayan ng Israel, ang kaharian ng aking ama. 4Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Siba, Narito, iyo ang buong nauukol kay Mephiboseth. At sinabi ni Siba, Ako'y yumuyukod; makasumpong nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon ko, Oh hari.

5At nang dumarating ang hari sa Bahurim, narito, lumalabas na mula roo'y isang lalake sa angkan ng sangbahayan ni Saul, na ang pangala'y Semei, na anak ni Gera: siya'y lumalabas, at manunumpa habang siya'y lumalabas. 6At kaniyang hinagis ng mga bato si David, at ang lahat ng lingkod ng haring si David: at ang buong bayan, at ang lahat na malalakas na lalake ay nasa kaniyang kanan, at sa kaniyang kaliwa. 7At ganito ang sinabi ni Semei nang siya'y nanunumpa, Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na lalaking mabagsik, at hamak na lalake: 8Ibinalik sa iyo ng Panginoon ang buong dugo ng sangbahayan ni Saul na siya mong hinalinhan ng pagkahari; at ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak: at, narito, ikaw ay nasa iyong sariling kasamaan, sapagka't ikaw ay lalaking mabagsik.

9Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Sarvia sa hari, Bakit susumpain nitong asong patay ang aking panginoon na hari? payaunin mo ako, isinasamo ko sa iyo, at pugutin ang kaniyang ulo. 10At sinabi ng hari, Anong ipakikialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Sarvia? Sapagka't siya'y nanunumpa, at sapagka't sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sumpain mo si David, sino nga ang magsasabi, Bakit ka gumawa ng ganyan? 11At sinabi ni David kay Abisai, at sa lahat niyang mga lingkod, Narito, ang anak ko, na lumabas sa aking tiyan, siyang humahanap ng aking buhay: gaano pa nga kaya ang gagawin ngayon ng Benjamitang ito? bayaan ninyo siya at manumpa siya: sapagka't iniutos ng Panginoon sa kaniya. 12Marahil ay titingnan ng Panginoon ang kasamaang ginagawa sa akin, at gagawan ako ng mabuti ng Panginoon sa sumpa niya sa akin sa araw na ito. 13Sa gayo'y nagpatuloy ng lakad si David at ang kaniyang mga lalake: at si Semei ay yumaon sa tagiliran ng bundok sa tapat niya, at sumusumpa habang siya'y yumayaon, at hinahagis ng bato siya, at nananaboy ng alabok. 14At ang hari at ang buong bayan na nasa kaniya ay nagsidating na pagod; at siya'y nagpahinga roon.

15At si Absalom at ang buong bayan, na mga lalake ng Israel, ay nagsidating sa Jerusalem at si Achitophel na kasama niya. 16At nangyari, nang si Husai na Arachita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, na sinabi ni Husai kay Absalom, Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari. 17At sinabi ni Absalom kay Husai, Ito ba ang iyong kagandahang loob sa iyong kaibigan? bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan? 18At sinabi ni Husai kay Absalom, Hindi; kundi kung sinong piliin ng Panginoon, at ng bayang ito, at ng lahat na lalake sa Israel, doroon ako, at sa kasamahan noon tatahan ako. 19At saka, kanino ako maglilingkod? hindi ba sa harap ng kaniyang anak? kung paanong ako'y naglingkod sa harap ng iyong ama, ay magiging gayon ako sa iyong harap.

20Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Achitophel, Magbigay payo kayo kung ano ang ating gagawin. 21At sinabi ni Achitophel kay Absalom, Sipingan mo ang mga babae ng iyong ama, na kaniyang iniwan na magsipagingat ng bahay; at mababalitaan ng buong Israel na ikaw ay makayayamot sa iyong ama: kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat na nasa iyo. 22Sa gayo'y kanilang ipinagladlad si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga babae ng kaniyang ama sa paningin ng buong Israel. 23At ang payo ni Achitophel, na kaniyang ipinapayo sa mga araw na yaon, ay gaya ng kung ang isang lalake ay nagsisiyasat sa salita ng Dios: gayong lahat ang payo ni Achitophel kay David at gayon din kay Absalom.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

2 Samuel 15
Top of Page
Top of Page