Tagalog: Ang Dating Biblia 1Magsitakbo kayong paroo't parito sa mga lansangan ng Jerusalem, at tingnan ngayon, at alamin, at hanapin sa mga luwal na dako niyaon, kung kayo'y makakasumpong ng tao, kung may sinoman na gumagawa ng kaganapan, na humahanap ng katotohanan; at aking patatawarin siya. 2At bagaman kanilang sinasabi, Buhay ang Panginoon; tunay na sila'y nagsisisumpa na may kasinungalingan. 3Oh Panginoon, hindi baga tumitingin ang iyong mga mata sa katotohanan? iyong hinampas sila, nguni't hindi sila nangagdamdam; iyong pinugnaw sila, nguni't sila'y nagsitangging tumanggap ng sawa'y; kanilang pinapagmatigas ang kanilang mukha ng higit kay sa malaking bato; sila'y nagsitangging manumbalik. 4Nang magkagayo'y sinabi ko, Tunay na ang mga ito ay dukha; sila'y mga hangal; sapagka't hindi sila nangakakaalam ng daan ng Panginoon, o ng kahatulan ng kaniyang Dios. 5Ako'y paroroon sa mga dakilang tao, at magsasalita sa kanila; sapagka't kanilang nalalaman ang daan ng Panginoon, at ang kahatulan ng kanilang Dios. Nguni't ang mga ito ay nagkaiisang magalis ng pamatok, at lumagot ng mga panali. 6Kaya't papatayin sila ng leon na mula sa gubat, sisirain sila ng lobo sa mga ilang, babantayan ang kanilang mga bayan ng leopardo; lahat na nagsilabas doon ay mangalalapa; sapagka't ang kanilang mga pagsalangsang ay marami, at ang kanilang mga pagtalikod ay lumago. 7Paanong mapatatawad kita? pinabayaan ako ng iyong mga anak, at nagsisumpa sa pamamagitan niyaong mga hindi dios. Nang sila'y aking mabusog, sila'y nangalunya, at nagpupulong na pulupulutong sa mga bahay ng mga patutot. 8Sila'y parang pinakaing mga kabayong pagalagala: bawa't isa'y humalinghing sa asawa ng kaniyang kapuwa. 9Hindi baga dadalaw ako dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon: at hindi baga manghihiganti ang kaluluwa ko sa isang ganiyang bansa na gaya nito? 10Sampahin ninyo ang kaniyang mga kuta at inyong gibain; nguni't huwag kayong magsigawa ng lubos na kawakasan; alisin ninyo ang kaniyang mga sanga; sapagka't sila'y hindi sa Panginoon. 11Sapagka't ang sangbahayan ni Israel at ang sangbahayan ni Juda ay gumagawang may kataksilan laban sa akin, sabi ng Panginoon. 12Kanilang ikinaila ang Panginoon, at sinabi, Hindi siya; ni darating sa atin ang kasamaan; ni makakakita tayo ng tabak o ng kagutom man: 13At ang mga propeta ay magiging parang hangin, at ang salita ay wala sa kanila: ganito ang gagawin sa kanila. 14Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, Sapagka't inyong sinalita ang salitang ito, narito, gagawin ko na ang aking mga salita sa inyong bibig ay maging apoy, at ang bayang ito ay kahoy, at sila'y pupugnawin niyaon. 15Narito, dadalhin ko ang bansa sa inyo na mula sa malayo, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon: siyang makapangyarihang bansa, siyang matandang bansa, isang bansa na ang wika ay hindi mo naiintindihan, o nababatid mo man kung ano ang kanilang sinasabi. 16Ang kanilang lalagyan ng pana ay bukas na libingan, silang lahat ay makapangyarihang lalake. 17At kakanin nila ang iyong ani, at ang iyong tinapay, na dapat sanang kanin ng iyong mga anak na lalake at babae; kanilang kakanin ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan; kanilang kakanin ang iyong mga puno ng ubas at ang iyong mga puno ng igos; kanilang ibabagsak ang iyong mga bayan na nababakuran, na iyong tinitiwalaan, sa pamamagitan ng tabak. 18Nguni't sa mga araw mang yaon, sabi ng Panginoon, hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa inyo. 19At mangyayari, pagka inyong sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon nating Dios ang lahat ng mga bagay na ito sa atin? kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Kung paanong inyong pinabayaan ako, at nangaglingkod kayo sa mga ibang dios sa inyong lupain, gayon kayo mangaglingkod sa mga taga ibang lupa sa isang lupain na hindi inyo. 20Inyong ipahayag ito sa sangbahayan ni Jacob, at inyong ibalita sa Juda na inyong sabihin, 21Inyong dinggin ngayon ito, Oh hangal na bayan, at walang unawa; na may mga mata, at hindi nakakakita; na may mga pakinig, at hindi nakakarinig: 22Hindi kayo nangatatakot sa akin? sabi ng Panginoon: hindi baga kayo manginginig sa aking harapan, na naglagay ng buhangin na pinakahangganan ng dagat, sa pamamagitan ng pinakawalang hanggang pasiya, upang huwag makalampas? at bagaman maginalon ang kaniyang mga alon, hindi rin mananaig; bagaman ang mga ito'y nagsisihugong, hindi rin ang mga ito'y makaraan. 23Nguni't ang bayang ito ay may magulo at mapanghimagsik na puso; sila'y nanghimagsik at nagsiyaon. 24Hindi man nila sinasabi sa sarili, Mangatakot tayo ngayon sa Panginoon nating Dios, na naglalagpak ng ulan, ng maaga at gayon din ng huli, sa kaniyang kapanahunan; na itinataan sa atin ang mga takdang sanglinggo ng mga pagaani. 25Ang inyong mga kasamaan ang nangaghiwalay ng mga bagay na ito, at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil sa inyo ng kabutihan. 26Sapagka't sa gitna ng aking bayan ay nakakasumpong ng mga masamang tao: sila'y nagbabantay, gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag; sila'y nangaglalagay ng silo, sila'y nanghuhuli ng mga tao. 27Kung paanong ang kulungan ay puno ng mga ibon, gayon ang kanilang mga bahay ay puno ng karayaan: kaya't sila'y naging dakila, at nagsisiyaman. 28Sila'y nagsisitaba, sila'y makintab: oo, sila'y nagsisihigit sa mga paggawa ng kasamaan; hindi nila ipinakikipaglaban ang usap, ang usap ng ulila, upang sila'y guminhawa; at ang matuwid ng mapagkailangan ay hindi hinahatulan. 29Hindi baga dadalaw ako dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ang aking kalooban sa ganiyang bansa na gaya nito? 30Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay ay nangyayari sa lupain: 31Ang mga propeta ay nanganghuhula ng kasinungalingan, at ang mga saserdote ay nangagpupuno sa pamamagitan ng kanilang mga kamay; at iniibig ng aking bayan na magkagayon: at ano ang inyong gagawin sa wakas niyaon? Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |