Tagalog: Ang Dating Biblia 1At pagdaka, pagkaumaga ay nangagsangusapan ang mga pangulong saserdote pati ng matatanda at mga eskriba, at ang buong Sanedrin, at ginapos si Jesus, at inilabas siya, at ibinigay siya kay Pilato.
2At itinanong sa kaniya ni Pilato, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At pagsagot niya ay sinabi sa kaniya, Ikaw ang nagsasabi.
3At isinakdal siya sa maraming bagay ng mga pangulong saserdote.
4At muling tinanong siya ni Pilato, na sinasabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? tingnan mo kung gaano karaming bagay ang kanilang isinasakdal laban sa iyo.
5Datapuwa't si Jesus ay hindi na sumagot ng anoman; ano pa't nanggilalas si Pilato. 6Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian niya na pawalan sa kanila ang isang bilanggo, na kanilang hingin sa kaniya. 7At mayroong isa na kung tawagin ay Barrabas, na nagagapos na kasama ng nangaghimagsik, mga taong nagsipatay ng mga tao sa panghihimagsik. 8At nagsipanhik ang karamihan at nangagpasimulang hingin sa kaniya na sa kanila'y gawin ang gaya ng sa kanila'y laging ginagawa. 9At sinagot sila ni Pilato, na sinasabi, Ibig baga ninyo na pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio? 10Sapagka't natatalastas niya na sa kapanaghilian ay ibinigay siya ng mga pangulong saserdote. 11Datapuwa't inudyukan ng mga pangulong saserdote ang karamihan, na si Barrabas na muna ang siya niyang pawalan sa kanila. 12At sumagot na muli si Pilato at sa kanila'y sinabi, Ano nga ang aking gagawin sa inyong tinatawag na Hari ng mga Judio? 13At sila'y muling nagsigawan, Ipako siya sa krus. 14At sinabi sa kanila ni Pilato, Bakit, anong masama ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nagsigawan, Ipako siya sa krus. 15At sa pagkaibig ni Pilato na magbigay-loob sa karamihan, ay pinawalan sa kanila si Barrabas, at ibinigay si Jesus, pagkatapos na siya'y mahampas niya, upang siya'y ipako sa krus. 16At dinala siya ng mga kawal sa looban, na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong pulutong. 17At siya'y kanilang dinamtan ng kulay-ube, at nang makapagkamakama ng isang putong na tinik, ay ipinutong nila sa kaniya. 18At nagpasimula silang siya'y batiin, Aba, Hari ng mga Judio! 19At sinaktan nila ang kaniyang ulo ng isang tambo, at siya'y niluluraan, at pagkaluhod nila, siya'y sinamba. 20At nang siya'y kanilang malibak na, ay inalis nila sa kaniya ang kulay-ube, at isinuot sa kaniya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako siya sa krus. 21At kanilang pinilit ang isang nagdaraan, si Simon na taga Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggagaling sa bukid, upang sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus. 22At siya'y kanilang dinala sa dako ng Golgota, na kung liliwanagin ay, Ang dako ng bungo. 23At siya'y dinulutan nila ng alak na hinaluan ng mirra: datapuwa't hindi niya tinanggap. 24At siya'y kanilang ipinako sa krus, at kanilang pinaghatihatian ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang dadalhin ng bawa't isa. 25At ikatlo na ang oras, at siya'y kanilang ipinako sa krus. 26At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO. 27At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa. 28At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail. 29At siya'y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo, 30Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus. 31Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya'y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. 32Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako. 33At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam. 34At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? 35At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias. 36At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y ibaba. 37At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga. 38At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios. 40At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao'y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome; 41Na, nang siya'y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya'y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem. 42At nang kinahapunan, sapagka't noo'y Paghahanda, sa makatuwid baga'y ang araw na nauuna sa sabbath, 43Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. 44At nanggilalas si Pilato kung siya'y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay. 45At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose. 46At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan. 47At tinitingnan ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya nalagay. Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain. Bible Hub |