Marcos 3
Tagalog: Ang Dating Biblia
1At siya'y muling pumasok sa sinagoga; at doo'y may isang lalake na tuyo ang kaniyang kamay. 2At siya'y inaabangan nila kung pagagalingin siya sa araw ng sabbath; upang siya'y maisakdal nila. 3At sinabi sa lalaking tuyo ang kamay, Magtindig ka. 4At sinabi niya sa kanila, Katuwiran baga ang gumawa ng magaling sa araw ng sabbath, o ang gumawa ng masama? magligtas ng isang buhay, o pumatay? Datapuwa't sila'y hindi nagsiimik. 5At nang siya'y lumingap sa kanila sa palibotlibot na may galit, sapagka't ikinalungkot niya ang katigasan ng kanilang puso, ay sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya: at gumaling ang kaniyang kamay. 6At nagsilabas ang mga Fariseo, at pagdaka'y nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kaniya, kung paanong siya'y maipapupuksa nila.

7At si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad ay lumigpit sa dagat: at nagsisunod sa kaniya ang lubhang karamihang taong mula sa Galilea; at mula sa Judea, 8At mula sa Jerusalem, at mula sa Idumea, at mula sa dakong ibayo ng Jordan, at sa palibotlibot ng Tiro, at Sidon, na lubhang maraming tao, nang mabalitaan ang lubhang mga dakilang bagay na kaniyang ginagawa, ay nagsiparoon sa kaniya. 9At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na ihanda sa kaniya ang isang maliit na daong dahil sa karamihan, baka siya'y kanilang siksikin: 10Sapagka't siya'y nakapagpagaling sa marami; ano pa't sinisiksik siya ng lahat ng mga nasasalot upang siya'y mahipo nila. 11At ang mga karumaldumal na espiritu, pagkakita sa kaniya, ay nangagpatirapa sa kaniyang harapan, at nangagsisisigaw, na nangagsasabi, Ikaw ang Anak ng Dios. 12At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit na siya'y huwag nilang ihayag.

13At siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang balang kaniyang maibigan: at nagsilapit sila sa kaniya. 14At naghalal siya ng labingdalawa, upang sila'y makisama sa kaniya, at upang sila'y suguin niyang magsipangaral, 15At magkaroon ng kapamahalaang magpalayas ng mga demonio: 16At si Simon ay kaniyang pinamagatang Pedro; 17At si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago; at sila'y pinamagatan niyang Boanerges, na sa makatuwid baga'y mga Anak ng kulog: 18At si Andres, at si Felipe, at si Bartolome, at si Mateo, at si Tomas, at si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo, at si Simon ang Cananeo, 19At si Judas Iscariote, na siya ring nagkanulo sa kaniya. At pumasok siya sa isang bahay.

20At muling nagkatipon ang karamihan, ano pa't sila'y hindi man lamang makakain ng tinapay. 21At nang mabalitaan yaon ng kaniyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang siya'y hulihin: sapagka't kanilang sinabi, Sira ang kaniyang bait. 22At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, Nasa kaniya si Beelzebub, at, Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio. 23At sila'y kaniyang pinalapit sa kaniya, at sinabi sa kanila sa mga talinghaga, Paanong mapalalabas ni Satanas si Satanas? 24At kung ang isang kaharian ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, hindi mangyayaring makapanatili ang kaharian yaon. 25At kung ang isang bahay ay magkabahabahagi laban sa kaniyang sarili, ay hindi mangyayaring makapanatili ang bahay na yaon. 26At kung manghihimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili, at magkabahabahagi, hindi siya makapanananatili, kundi magkakaroon ng isang wakas. 27Datapuwa't walang makapapasok sa bahay ng malakas na tao, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y masasamsaman ang kaniyang bahay.

28Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ipatatawad ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa mga anak ng mga tao, at ang mga kapusungan nila kailan ma't sila'y mangagsasalita ng kapusungan: 29Datapuwa't sinomang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailan man, kundi may kasalanan ng isang kasalanang walang hanggan: 30Sapagka't sinabi nila, Siya'y may isang karumaldumal na espiritu.

31At dumating nga ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid; at, palibhasa'y nangakatayo sila sa labas, ay nangagpasugo sila sa kaniya, na siya'y tinatawag. 32At nangakaupo ang isang karamihan sa palibot niya; at sinabi nila sa kaniya, Narito, nangasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na hinahanap ka. 33At sinagot niya sila, at sinabi, Sino ang aking ina at aking mga kapatid? 34At paglingap niya sa nangakaupo sa palibot niya, ay sinabi niya, Narito, ang aking ina at aking mga kapatid! 35Sapagka't sinomang gumaganap ng kalooban ng Dios, ito'y ang aking kapatid na lalake, at aking kapatid na babae, at ina.



Ang Dating Biblia -- Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language) -- Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia) -- Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long. -- This Bible is now Public Domain.

Bible Hub

Mark 2
Top of Page
Top of Page